Bakwit. Bakit?

Bakwit. Bakit?
Akala ko teleponong panggising sa umaga ko
Mga putok na pala ng baril sa kabilang kanto
Akala ko sinag ng araw sa labas ng bintana
Nagliliyab na pala ang ospital, simbahan at eskwela

Bakwit. Bakit?
Gising anak, gising ama
Kunin niyo na ang mga gamit na kaya niyong madala
Tumatagos na ang liwanag sa punit na kurtina
Baka mamaya, pati na mga bala

Bakwit. Bakit?
Matagal na akong sanay sa sahig at sa isang kahig
Pero imbis na lamig at gutom ay takot ang ikinanginginig
Paano na ‘yung tindahan? ‘Yung motor? ‘Yung bahay?
Paano tayo ngayon? Paano bukas? Paano na ang buhay?

Bakwit. Bakit?
Nasan na si Papa? Kailan ang uwi niya?
Nasa trabaho pa siya, sagot ni ina
Pabulong: Sa ngalan ng Ama, ng Anak at Espirito Santo
Iligtas Niyo po ang asawa ko at mga kapwa niya kristiyano

Bakwit. Bakit?
Nasan si Papa? Kailan ang uwi niya?
Nasa trabaho pa siya, sagot ni ina
Pabulong: Allah, patnubayan Niyo po ang asawa ko
Ingatan Niyo po siya at mga kasama niyang sundalo

Bakwit. Bakit?
Ayaw ko na rito, puro gulo at karahasan
Para saan pa kung wala na rin naman akong babalikan
Manlilimos, mangungutang, magmamakaawa, bahala na
Sanay na namang matalo ang mga inosente sa lahat ng digma

Bakwit. Bakit?
Kung madali lang sanang takasan ang tinatapakang lupa
Iwasan ang bomba, mga bala, terorista, sariling gunita
Kalimutan na marami nang nawala, dumanak at humandusay
Mga lugar, bagay at buhay na nawalan ng saysay

Bakwit. Bakit?
Salitang Ingles na Finilipino ang baybay
Pero ang kahulugan ay laging may kasamang lumbay,
At takot, at balisa, at galit,
At kawalan ng pag-asa, at pagkasaid ng tiwala, at pag-apaw ng hinanakit
Langit, bakit?

Ikaw ang Oras

Ikaw ang Kahapon
Ang pagsikat ng araw na hindi naabutan
Mga pangalan at mukha at mundong nakalimutan
Dalawang sulyap na hindi kailanman nagkita
Damdaming tinanim pero ‘di lumago bilang salita

Ikaw ang Ngayon
Libu-libong halik ng langit sa nauuhaw na lupa
Bumubulong ang kidlat sa piping gunita
Nagmamadaling pintig ng nauupos nang dibdib
Nagpapahabol muli ang pagkakataong umibig

Ikaw ang Bukas
Mga panaginip na sabay binibitawan at kinakapitan
Maningning na talang matagal tinititigan, hinahanap ang pagkakakilanlan
Kusang lulundag sa bangin ng kawalang-kasiguruhan
Dali-daling lilipad sa susunod na segundo, minuto, oras, araw, linggo, buwan, taon, dekada, siglo, milenyo, magpakailanman…

Para sa mga lumisan pero nanatili

Para sa mga lumakad nang dahan-dahan
Palayo, nang palayo, nang palayo
Ngunit biglang huminto
Lumingon, tumingin, tumitig
Matagal na nakipagniig ang mga matang may gustong sambitin
Pero hindi kumibo

Para sa mga nakipagtitigan nang matagal
Nakipagtuos sa digmaan ng sakit at pagal
Ngunit nanigas
Lumipas ang mahabang oras, pero walang naging lunas
Namilipit ang dila
Ayaw dumulas ng mga salita
Mga tuhod ay nanghina
Lakas ng loob ay unti-unti… hanggang sa tuluyan nang nawala

Para sa mga umalis pero nagdalawang-isip
Kung tama ba ang pasya na tuluyan nang bumitaw
O kung kaya pa naman palang kumapit
Kung hindi ba masasayang lang ang ilan ding taon ng saya, lungkot, galit, pighati
Saya, lungkot, galit, pighati
Saya, lungkot, galit, pighati
Saya, lungkot… At galit

Para sa mga nagtangkang tumakbo pero nadapa
Para habulin ang huling dalawang minuto ng pagmamakaawa
Para hulihin sa dagat ng mga hindi ang katiting at natitirang oo
Sumubsob ang mukha sa takot at kaba at tuliro
Nagmantsa na sa damit ang mga latak ng alaala
Buong katawa’y punum-puno na ng galos, sugat at pasa
Na hindi mo alam kung pag-asang maghilom pa ba

Para sa’yo na mas piniling umalis
Batid ko naman na mahirap nang ibalik ang nawala nang tamis
Wala nang asukal ang makakapawi sa nanuot na pait
Patawad kung wala akong nagawa
Para mas piliin mong magtiis kaysa mawala
Patawad kung dati ay wala akong nasabi
Kaya ngayon ay nagtitiis kang makinig sa isang napakapangit na tula

Para sa mga naiwan…
Na kinukumbinsi ang sarili para patuloy pa ring lumaban
Luhaan, sugatan pero pinipilit mapakinabangan
Kumakapit sa natitirang sana nandito ka pa
Sana mapawi na ng alak ang lahat ng naipong panghihinayang
Sana anurin na lang ng luha ang lahat damdaming matagal ko nang gustong mawala

Para sa lahat ng dahilan kung bakit kailangang lumisan
Para sa lahat ng karatulang nagsasabing tama na
Nagsusumamo ang mga puso nating pipi’t bingi na
Na tayo mismo ay ‘di na maka-agwanta
Kumakatok sa mga bintana ng kapitbahay at nagsasabing “pabili nga po ng pahinga”
Para sa pusong said na
Para sa pag-asang wala na

Para sa mga akala nating nawala na
Gaya ng panyo na lagi kong dala-dala sa eskwela
Gaya ng kulay blue at kulay green sa matataba kong krayola
Gaya ng pudpod ko nang lapis nung Grade 1 pa
At gaya ng paborito kong mabangong pambura ng malulungkot na alaala

Para sa mga ayaw nating lumisan
Na kahit gaano na kasakit ay hindi pa rin natin mabitawan
Ang mga minsang nagpahina pero tuluyang nagpatibay sating katawan
Ikaw… Na habambuhay kong kailangan

Para sa mga gusto nating manatili
Ang banayad mong tinig
Ang init ng iyong mga haplos
Ang yakap mong palaging kumakalinga
Ang mga dating nakasanayang hinahanap-hanap ko ngayon

Para sa mga gusto nating lumisan
Iyong hinanakit na ilang taon na ang nilipasan pero nagmumulto pa rin
Iyong ngalit na hindi ko naman tinanim pero kusa na lang tumubo at lumaki
Iyong tao na matapos iwan ay tila nakalimutan na rin yata kung paano maglakad

Para sa mga ayaw nating manatili
Ayaw ko nang manatili sa dalamhati ng nakaraan
Ayaw ko nang mag-isa kung saan mo ako iniwan
Tinuruan mo akong mabuhay at umibig
Tuturuan ko ang sarili kong magpatuloy at umibig pa rin

Para sa’yo na lumisan pero nanatili
Salamat sa lahat ng ipinadama mo sa’kin
Pula man o puti, liwanag man o dilim, itim man o bahaghari
Kung minsan, imbis na tapang, mas kailangan pala natin ng takot para may magawa
Para sa ‘yo…
Salamat dahil kahit papaano, kahit minsanan na lang, kahit mahirap, kahit ganito tayo, pinili mo pa ring manatili.

‘ASAN ANG MERRY NG CHRISTMAS

May nanlilimos sa lansangan
May nag-aabot ng sobre sa dyip
May natutulog sa ilalim ng tulay
May nakikipagpatintero sa buhay
May naghahapunan sa gilid ng kalsada
May walang panlaman sa sikmura
May ‘di sinasadyang makasakit
May tahimik lang na nasasaktan
May nagpapaalam
May namamaalam
May naiiwan at nang-iiwan
May walang humpay na digmaan
May mga buhay na nasasayang
May mga bagay na sinasayang
May mga pagkakataong pinalalagpas
May mga oras ng ‘di pag-usad
May mga walang makasama
May mga pinipiling mag-isa
May nagnanakaw
May pumapatay

Marami ang namamatay
Ngunit, may isinisilang

Ang ngiti sa mga labi
Ng matatandang walang ngipin
Ng mga bata kahit walang makain
Ng mga walang nag-aalaga at nag-aalala
Ng mga may kinikimkim sa dibdib nila.

Ang ningning sa mga mata
Ng mga paslit na may aginaldo
Ng mga desidido na talagang magbago
Ng mga umaasang may maganda kinabukasan
Ng mga handa nang magpatawad at muling masaktan.

Ang pag-asa at pagbangon
Ng mga nasa gitna ng giyera at sakuna
Ng mga sumuko na sa daluyong ng mga hamon
Ng mga nabigo, nasaktan, pero nagpatuloy
Ng mga @*!?x^$#+%?! sa nakakahibang na mundong ito.

Ang pag-ibig sa puso
Ng pamilya kahit magkakalayo o may alitan
Ng magkakaibigang walang indyanan
Ng mga may taos-puso pa ring malasakit sa kapwa
Ng mga naniniwalang may hiwaga pa rin tuwing kapaskuhan.

At, higit sa lahat, ang munting sanggol sa sabsaban.

Kung gayon…
‘Asan ang Merry ng Christmas mo?

image

Comfort in Sadness

Familiar.

How can we be so sure that something is ‘familiar?’

By how often we see it? By how long we’ve known it? By how much we know about it? Or by how much we try to forget it… yet it still lingers?

In a small far corner of your mind…

Like your favorite perfume… Like the smell of your sweat… Like the taste of your thirsty lips… Like that very quick yet vivid memory… Like your sweetest daydream…

image

Gulong

Gulong
Gulung-gulo ang isip
Saan tatakbo
Sana tatakas
Saan magiging ligtas
Saan dudulog
Saan maninikluhod
Para ang adhika’y may pag
Sulong
Ngunit paano uusad
Kung ang mismong lupa ay
Itinatanikala ang mga paang
Matagal nang nakabaon
Sa putik ng dahop
At paglimot
At pagkabingi sa taghoy ng
Tulong
Tulong
Tulong…

image

[Kuha ni Chester Higuit, mula sa Philippine Collegian FB page]

Fall in love with your failures

Mahulog nang tuluyan sa iyong kabiguan
Bumitiw sa paghahanap ng ligaya
Sumuko sa daluyong ng awangin
Bigat ng kasawian ay kusang magpapatihulog
Limandaang libong dipang lalim mula puno hanggang impiyerno
Sinlakas ng lindol ang lagapak
Ang akalang ayos lang ay masakit pala
Bali ang buto
Basag ang bungo
Putol ang pakpak
Butas ang puso
Tumawid ang kaba at alinlangan sa gitna nito
Namahay, namalagi at nanahan na
Tumanda na’t naging pagkamuhi’t takot
Nagtayo ng bahay na
Ang matitibay at matitigas na pader at haligi’y
Lungkot at pag-iisa.

Mahulog nang tuluyan sa iyong kalungkutan
Kailanman ay ‘di ka nito iiwan
Sobrang mahigpit itong yumakap hanggang sa
Hindi ka na makahinga
Nalunod na
Ang mga bagang matagal nang sabik
Sa sariwang hangin ng sangkatauhan na
Siyang pag-asang tanging gumagabay sa
Maliit na apoy na nakakulong sa
Maselang bula na kahit anong oras ay
Naghihintay na lang madagit ng kawit na
Kahit masakit ay handang kumapit
Mabutas man nang paulit-ulit-ulit ang puso
At ang diwang mapilit
Lilikha lamang ito ng mas marami pang puwang
Ng mas marami pang mga hukay at lungaw
Gaya ng sa kaakit-akit na buwan
Na patuloy na maghahanap ng
Mga panaginip na pupunan.